Here is the Filipino-translated full text of the homily delivered by Pope Francis during the Easter Vigil Mass in St. Peter’s Basilica:

Inakala ng mga kababaihan na may katawan pa silang makikita upang pahiran ng langis ngunit isang libingang walang laman ang kanilang matatagpuan. Tumungo sila roon upang magluksa para sa yumao ngunit kanilang napakinggan ang isang pagpapahayag ng buhay. Sa kadahilanang ito, sinasabi sa atin ng Ebanghelyo, ang mga kakabaihan ay nabigla nang may pagkatakot at pagkamangha (Mk 16:8). Pagkamangha. Isang takot na may kakambal na tuwa na tumangay sa kanilang mga puso nang tumambad sa kanila ang malaking batong tumakip sa libingan na naigulong na at ang isang binatang lalaki na nararamtan ng puti. Napaisip sa mga salitang napakinggan, “Huwag kayong matakot! Hinahanap ninyo si Hesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Siya’y muling nabuhay” (v. 6). At sa mensaheng: “Siya ay mauuna sa inyo sa Galilea, inyo siyang makikita roon” (v. 7). Nawa tanggapin din natin ang mensaheng ito ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Tumungo na tayo sa Galilea, kung saan nauna na sa atin ang Panginong Muling Nabuhay. Ngunit, ano ba ang ibig sabihin ng “tumungo sa Galilea?”

Ang pagtungo sa Galilea, una, ay pagsisimulang muli. Para sa mga alagad, iyon ay nangangahulugang pagbalik sa lugar kung saan sila unang nakita ng at tinawag ng Panginoon upang sumunod sa kanya. Ang lugar kung saan sila unang nagkatagpo at unang pag-ibig. Mula sa sandaling iyon, iniwan nila ang kanilang mga lambat, sumunod kay Hesus, at sila’y nakinig sa kanyang mga turo at nasaksihan ang mga himalang kanyang ginawa. Ngunit kahit na palagi nila siyang kasama, hindi nila siya maunawaan nang lubos. Madalas, iba ang kanilang pakahulugan sa kanyang mga salita, at sa harap ng krus kanila siyang iniwan at tumakas. Gayunpaman, ang Panginoong Muling Nabuhay ay nagpakitang muli bilang isang mauuna sa kanila sa Galilea. Nauna siya sa kanila. Siya’y tatayo sa kanilang harapan at sila’y patuloy na tatawagin upang sumunod sa kanya. Sasabihin niya sa kanila, “Magsimula tayo kung saan tayo mga nagsimula. Magsimula tayong muli. Nais kong makasama kayong muli, sa kabila ng lahat.” Sa Galileang ito, natututunan nating mamangha sa walang hanggang pag-ibig ng Panginoon, na siyang bumubukas ng mga bagong daraanan sa landas ng ating mga pagkabigo.

Ito ang unang mensahe ng Muling Pagkabuhay na gusto kong ihandog sa inyo: laging may pagkakataong makapagsimulang muli, sapagkat may bagong buhay na kung saan gigisingin tayo ng Diyos sa kabila ng lahat ng ating kabiguan. Mula sa mga nadurog nating mga puso, kayang lumikha ng Diyos ng isang bagong obra; mula sa mga nasirang bahagi ng ating pagkatao, maghahanda ang Diyos ng isang bagong kasaysayan. Hindi siya tumitigil na mauna sa atin: sa krus ng pagdurusa, pagkawasak at pagkamatay, at sa luwalhati ng isang buhay na sisibol muli, isang kasaysayang bumabago, ang pag-asang isisilang muli. Sa mga madilim na panahon nitong pandemya, makinig tayo sa Panginoong Muling Nabuhay sa kanyang pag-anyaya sa ating magsimulang muli at hindi mawalan ng pag-asa.

Ang pagpunta sa Galilea ay nangangahulugan rin ng pagbabago ng mga landas. Ibig sabihin nito’y paglakad palayo sa libingan. Hinahanap ng mga kababaihan si Hesus sa libingan; naparoon sila upang alalahanin ang kanilang mga naging karanasan kasama siya, na ngayo’y naglaho na habang buhay. Nagtungo sila upang manahan sila sa kanilang kalungkutan. May isang uri ng pananampalataya na maaaring maging ala-ala ng isang bagay na maganda na ngayo’y, aalalahanin na lamang. Maraming tao ang nakararanas ng isang pananampalataya ng mga ala-ala, kung saan tila ba si Hesus ay isang taong nagmula sa nakaraan, isang matagal nang kaibigan noong kabataan na ngayo’y malayo na, isang pangyayaring naganap matagal nang nakararaan noong sila’y dumadalo sa katesismo noong sila’y bata pa. Ang pananampalatayang  binubuo ng mga nakagawian, mga bagay sa nakaraan, mga kaibig-ibig na mga alaala ng kabataan, ngunit isang pananampalatayang hindi na pumupukaw sa akin o sumusubok man lamang sa akin. Ang pagtungo sa Galilea, sa kabilang banda, ay matanto na ang pananampalataya, kung ito ay buhay, ay dapat magbalik sa dinaraanan. At dapat itong magpatuloy sa pagtitiwala, nang hindi iniisip na batid na nito ang lahat ng bagay, kundi ang yakapin ang kapakumbabaan niyong mga hinahayaan ang kanilang mga sarili na mamangha sa pamamaraan ng Diyos. Tumungo tayo sa Galilea, pagkatapos nito ay tuklasin na ang Diyos ay hindi maiaalis sa ating mga alaala ng pagkabata, bagkus siya ay buhay ay puspos ng kamanghaan. Nabuhay na mag-uli, si Hesus ay hindi tumitigil na tayo’y kanyang pamanghain.

Ito ngayon ang ikalawang mensahe ng Muling Pagkabuhay: ang pananampalatay ay hindi isang tinipon na mga nakaraang alaala; si Hesus ay hindi naluluma. Siya ay buhay rito at ngayon. Lumalakad siyang kasama mo araw-araw, sa bawat karanasang iyong pinagdaraanan, sa bawat pagsubok na iyong dapat suungin, sa iyong mga inaasahan at mga pangarap. Binubuksan niya ang maraming pinto sa mga pagkakataong hindi mo pinaka-inaasahan, hinihimok ka niyang huwag manahan sa galimgim para sa  nakaraan o pangungutya tungkol sa pangkasalukuyan. Kahit na maramdaman mong tila ba nawala na ang lahat, hayaan mong ikaw ay maging bukas sa pagkamangha sa pagiging bago na dala ni Hesus: sisiguruhin niyang ikaw ay magitla.

Ang pagtungo rin sa Galilea ay pagtungo sa kapaligiran. Ang Galilea ang siyang bantayan: ang mga naninirahan sa rehiyong iyon na magkakaiba at layu-layo ang siyang pinakamalayo sa pagkadalisay sa ritwal ng Herusalem. Subalit doon nagsimula ang misyon ni Hesus. Doon dinala niya ang kanyang mensahe sa mga nagsusumikap mamuhay sa araw-araw, ang mga isinantabi, ang mga mahihina at mga dukha. Doon niya dinala ang mukha at presensya ng Diyos, na hindi napapagod na hanapin ang mga pinanghihinaan o nawawala, na siyang tumutungo sa lahat ng kapaligiran ng ating pag-iral, sapagkat sa kanyang mga mata ay walang pinakamaliit, walang naisasantabi. Inaatasan ng Panginoong Muling Nabuhay ang kanyang mga alagad na tumungo na ngayon, sa mga pinagyayarihan ng pang-araw-araw na pamumuhay, sa mga kalsadang ating binabagtas araw-araw, sa mga sulok ng ating mga lungsod. Doon nauuna ang Panginoon at siyang pumaparoon sa buhay ng mga nakapaligid sa atin, doon sa mga nagiging bahagi ng ating araw, sa tahanan, sa trabaho, sa kahirapan at mga inaasahan. Sa Galilea, nalaman natin na maaari nating masilayan ang Muling Nabuhay sa mukha ng ating mga kapatid, sa sigla ng mga nangangarap at pagsuko ng mga pinanghihinaan ng loob, sa mga ngiti ng mga natutuwa at sa luha ng mga nagdurusa, at higit sa lahat sa mga mahihirap at mga nasa laylayan. Tayo mamamangha sa kadakilaan ng Diyos na namalas sa karalitaan, ang kanyang kariktan na nagniningning sa mga dukha at payak.

At ito ang ikatlong mensahe ng Muling Pagkabuhay: si Hesus ang Panginoong Muling Nabuhay, minamahal niya tayo nang walang hangganan at laging naroron sa bawat sandali ng ating mga buhay. Siyang nakikipamayan sa puso ng ating mundo, inaanyayahan niya tayo na daigin ang mga balakid, alisin na ang pagtatangi at mas lalo pang mapalapit sa mga nakapaligid sa atin araw-araw upang matuklasin muli ang biyaya ng pang-araw-araw na buhay. Atin siyang kilalanin dito sa ating mga Galilea, sa pang-araw-araw na buhay. Kasama siya, ang buhay ang magbabago. Dahil higit sa mga pagkabigo, kasamaan at karahasan, higit sa lahat ng pagdurusa at kamatayan, siyang Muling Nabuhay ay namumuhay at gumagabay sa kasaysayan.

Mga kapatid, kung sa gabing ito ay dumadanas ka ng kadiliman, isang araw na hindi pa nagsisimula, liwanag na namamanglaw o pangarap na nawasak, buksan mo ang iyong puso nang may pagkamangha sa mensahe ng Muling Pagkabuhay: “Huwag kang matakot, siya ay muling nabuhay! Hinihintay ka niya sa Galilea.” Ang lahat ng iyong mga inaasahan ay hindi mananatiling hindi natutupad, ang iyong mga luha ay tutuyuin at ang mga takot mo ay mapapalitan ng pag-asa. Sapagkat mauuna ang Panginoon sa iyo, siya lalakad bago sa iyo. At, kasama siya, magsisimulang muli ang buhay.

Translation provided by Mr. James Wong

Featured image by Vatican Media/CNA

Leave a Reply