Narito ang mensahe ni Papa Francisco “sa kalungsuran at sa buong mundo” para sa Linggo ng Muling Pagkabuhay (Urbi et Orbi Easter Message of Pope Francis):

Mga kapatid, Maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay!

Ngayon, sa lahat ng dako ng mundo, ang pagpapahayag ng Simbahan ang naririnig: “Si Hesus, na ipinako sa krus, ay nabuhay na mag-uli tulad ng kanyang sinabi. Alleluia!”

Ang mensahe ng Muling Pagkabuhay ay hindi isang salamangka. Hindi tayo itinuturo nito sa isang pag-takas mula sa isang mahirap na sitwasyong ating nararanasan. Lumalawak pa rin ang pandemya, samantala ang krisis sa lipunan at ekonomiya ay nananatiling malala, lalo para sa mga mahihirap. Gayunpaman, ito ay nakakahiya, ang mga armadong alitan ay hindi pa rin natatapos at ang mga base militar ay pinalalakas pa rin.

Sa harap, o mas maigi, sa kabila ng kumplikadong katotohanang io, nangungusap ang mensahe ng Muling Pagkabuhay ng isang pangyayaring nagbibigay sa atin ng pag-asa na hindi tayo bibiguin: “Si Hesus na ipinako sa krus ay nabuhay na mag-uli.” Ito ay nangungusap sa atin hindi tungkol sa mga anghel o multo, ngunit sa isang tao, tao na may laman at buto, na may mukha at ngalan: si Hesus. Nagpapatotoo ang ebanghelyo na ang Hesus na ito, ipinako sa krus sa hatol ni Poncio Pilato dahil sa kanyang pagpapakilala bilang Kristo, ang Anak ng Diyos, nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw nang naaayon sa Kasulatan, tulad ng kanyang nabanggit na sa kanyang mga alagad.

Si Hesus na ipinako sa krus, wala nang iba pa, ay nabuhay na mag-uli mula sa mga patay. Binuhay ng Diyos Ama si Hesus, na kanyang anak, dahil naganap na nito ang kanyang mapangligtas na kalooban. Inako ni Hesus an gating kahinaan, an gating mga sakit, pati na an gating kamatayan. Tiniis niya an gating mga pagdurusa at dinala ang buong bigat ng ating mga kasalanan. Dahil dito, itinaas siya ng DIyos Ama at si Hesukristo ay nabubuhay magpakailanman; siya ang Panginoon.

Naglalahad ng mahalagang detalye ang mga saksi: taglay ni Hesus na muling nabuhay ang mga marka ng sugat sa kanyang mga kamay, paa, at tagiliran. Ang mga sugat na ito ang walang hanggang tatak ng kanyang pag-ibig sa atin. Ang lahat na nakararanas ng masakit na pagsubok sa katawan o kaluluwa ay maaaring tumungo rito at sa pamamagitan nito ay tanggapin ang biyaya ng pag-asa na hindi nakabibigo.

Ang Kristong Muling Nabuhay ay pag-asa ng lahat na nagdurusa sa pandemyang ito, ang mga maysakit at mga nawalan ng mahal sa buhay. Bigyan nawa sila ng Panginoon ng kaginhawaan at panatilihin ang tatag ng pagsusumikap ng mga manggagamot at mga nars. Lahat tayo, lalo ang mga mahihina, ay nangangailangan ng tulong at may karapatan tayo sa mabigyan ng kinakailangang pagkalinga. Mas lalo natin itong nasasaksihan sa panahong ito na tayong lahat ay nakikibaka sa pandemya. Ang mga bakuna ay mga kinakailangan sa pakikibakang ito. Hinihimok ko ang buong komunidad ng mga bansa, sa diwa ng pandaigdigang tungkulin, na sikaping maiwasan ang pagkaantala ng pamamahagi ng mga bakuna, at pangasiwaan ang pamamahagi nito lalo sa mga mahihirap na bansa.

Ang ipinako at Muling Nabuhay na Panginoon ay ginhawa para sa mga nawalan ng hanapbuhay o di kaya’y nakaranas ng kahirapan at kawalan ng sapat na proteksyon mula sa lipunan. Magbigay nawa siya ng inspirasyon sa mga kawani ng pamahalaan na kumilos upang ang lahat, lalo ang mga pamilyang higit na nangangailangan, ay mabigyang tulong upang sila’y makapamuhay nang marangal.

Ang muling nabuhay na si Hesus ay pag-asa para sa lahat ng kabataan na napilitang mawalan ng klase o magkaroon man lang ng oras kasama ang mga kaibigan. Ang maranasan ang tunay na makataong pakikipag-ugnayan, hindi iyong mga pakikipag-ugnayang birtuwal, ang siyang kinakailangan ng lahat, lalo’t higit sa panahong ang katangian at personalidad ng isang tao ay hinuhubog. Ako ay nakikiisa sa mga kabataan sa buong mundo, at sa mga panahong ito, lalo higit sa mga kabataan ng Myanmar na nakatuon sa pagsuporta sa demokrasya at pagsisiguro na ang kanilang mga tinig ay marinig nang mapayapa, sa kabatiran na ang pagkamuhi ay papaglahuin lamang ng pag-ibig.

Nawa ang liwanag ng Muling Nabuhay na Hesus ang pagmulan ng pagsisimulang muli ng mga migrante na tumakas mula sa giyera at matinding kahirapan. Kilalanin natin sa kanilang mga mukha ang nagdurusang mukha ng Panginoon habang siya ay patungo sa Kalbaryo. Huwag nawa silang mawalan ng mga matibay na tanda ng pagdadamayan at makataong kapatiran, isang pangako ng tagumpay ng buhay sa kamatayan na siya nating ipinagdirwang ngayon. Nagpapasalamat ako sa mga bansang malugod na tumanggap sa mga taong nagdurusa at nangangailangan ng pagkupkop. Ang Lebanaon at Jordan ay tumatanggap ng maraming mga mamamayang lumisan mula sa gulo sa Syria.

Nawa ang mga mamamayan ng Lebanon, na dumadaan sa panahon ng kahirapan at kawalang katiyakan, ay maranasan ang pag-aliw ng Muling Nabuhay na Panginoon at makatagpo nawa ng pagtulong mula sa komunidad ng mga bansa sa kanilang pagtawag bilang lupain ng pakikipag-niig, pakikipamayan sa isa’t isa at pluralismo.

Nawa si Kristong ating kapayapaan ay bigyang wakas na ang paglalaban-laban ng mga armas sa sinisinta at sinira ng giyera na Syria, kung saan milyun-milyong tao ang namumuhay sa hindi makataong kundisyon; sa Yemen, kung saan ang sitwasyon roon ay tinapatan lamang ng nakabibingi at nakakahiyang katahimikan; at sa Libya, na sa wakas ay may pag-asang matapos na ang dekadang madugong labanan at hindi pagkakasundo. Nawa ang lahat ng panig ay mangako sa kanilang mga sarili na tutuldukan nang tuluyan ang mga alitan at hayaang mamuhay nang payapa ang mga taong batbat ng takot mula sa giyera at sila’ay makapagsimulang ibangon ang kanilang mga bansa.

Likas na dinadala tayo ng Muling Pagkabuhay sa Herusalem. Sa Herusalem, hinihiling natin sa Panginoon na pagkaloob tayo ng kapayapaan at seguridad, upang yakapin nito ang pagtawag nito na maging lugar ng pakikipag-niig kung saan ang lahat ay nagtuturingan bilang mga magkakapatid, at kung saan ang mga Isarelita at Palestino ay muling matuklasan ang kapangyarihan ng pag-uusap upang maabot ang matatag na solusyon na kung saan ang dalawang bansang ito ay makapamumuhay nang magkasama sa diwa ng kapayapaan at kasaganaan.

Sa masayang araw na ito, muling bumabalik ang aking isip sa Iraq, na masaya akong nakadalaw noong nakaraang buwan. Panalangin kong magpatuloy sila sa landas ng kapayapaan at tuparin ang pangarap ng Diyos sa isa pamilyang mapagkalinga at tumatanggap sa kanyang mga anak.

Nawa ang kapangyarihan ng Muling Nabuhay na Panginoon ay puspusin ang mga nasa Africa na nakikita ang isang hinaharap na nakompromiso ng karahasan at pandaigdigang terorismo, lalo sa Sahel at Nigeria, maging sa Tigray at rehiyon ng Cabo Delgado. Nawa ang mga pagsisikap na bigyang solusyon ang hindi pagkakasundo ay mapayapang magpatuloy, nang may pagkiling sa karapatang pantao at kabanalan ng buhay, sa pamamagitan ng kapatiran at pag-uusap sa diwa ng pakikipagkasundo at tunay na pagdadamayan.

Masyado pa ring maraming giyera at labis na karahasan sa mundo! Nawa ang Panginoon, na siya nating kapayapaan, ay tulungan tayong malampasan ang kaisipan ng giyera. Pagkalooban nawa niya ang mga preso sa mga gulong ito, lalo sa Ukraine at Nagorno-Karabakh, ng ligtas na pag-uwi sa kanilang mga pamilya, at liwanagan ang mga pinuno sa mundo na itigil ang paligsahan sa makabagong pag-aarmas. Ngayon, ika-4 ng Abril, ay ang Pandaigdigang Araw ng Kamulatan laban sa mga mina, mga kahindik-hindik at karima-rimarin na mga bagay na pumapatay o nagpapahirap sa maraming inosentent tao taun-taon at pumipigil sa sangkatauhan na “maglakbay nang magkasama sa landas ng buhay nang hindi kinatatakutan ang banta ng pagkawasak at kamatayan!” Gaano pa kaya magiging mas mabuti pa ang ating mundo na wala ang mga kagamitang ito ng kamatayan!

Mga kapatid, muli sa taong ito, sa maraming lugar marami ang mga Kristiyano na nagdiwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay sa ilalim ng umiiral na mga mahigpit na patakaran, at sa iba pa ay hindi pa sila pinahintulutang makadalo sa mga liturhiya. Manalangin tayo na nawa ang mga patakarang ito, maging mga patakarang nagbabawal sa kalayaang sumamba at relihiyon sa buong mundo, ay ipawalang-bisa na upang sa gayon ay lahat ay makapagdasal at malayang papurihan ang Diyos.

Sa kabila ng maraming paghihirap na ating binabata, huwag nawa nating kalimutan na tayo ay pinagaling na ng mga sugat ni Kristo (cf. 1 Pedro 2:24). Sa liwanag ng Panginoong Muling Nabuhay, ang ating mga pagdurusa ngayon ay pinapag-bagong anyo. Kapag may kamatayan, ngayon ay may buhay. Kapag may pagtangis, may kaaliwan. Sa pagyakap sa krus, binigyang kahulugan ni Hesus ang ating mga pagdurusa at ipinapanalangin natin na ang mga bunga ng paghilom na ito ay lalaganap sa buong mundo. Maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay sa inyong lahat!

Translation provided by Mr. James Wong

Featured image by Vatican News

Leave a Reply